Nakipagpulong ang mga mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sina Lourdes Zorilla-Hinampas at Jeslie Del Ayre-Luza kay Dr. Renato G. Reyes, Pangulo ng Aurora State College of Technology (ASCOT) hinggil sa mga programa sa pagpasigla ng nanganganib na wika sa Aurora.
Sa kasalukuyan, katuwang ng KWF ang ASCOT, sa pamamagitan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na pinamumunuan ni Prop. Glenda Nad-Gines, sa pagsasagawa ng Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) sa wikang Alta, na sinasalita ng katutubong pamayanang kultural na Alta sa Brgy. Diteki, San Luis, Aurora.
Ang MALLP ay programang pangwika na nakatuon sa isahang pagtuturo ng wika (one-on-one) ng matatas na tagapagsalita ng wika (master) at isang mag-aaral ng wika (apprentice) na nasa hustong gulang. Layunin nitong madagdagan ang bilang ng nagsasalita ng wikang Alta sa kanilang komunidad. Ang Alta ay nasa estado ng Matinding Nanganganib, ibig sabihin ginagamit na lamang ng henerasyon ng matatanda (lola at lolo) ang wika.
Kasama rin sa pulong sina Dr. Ma. Luz F. Cabatan, Vice President for Academic Affairs at Prop. Angelica A. Vallejo, ang hahalili kay Prop. Nad-Gines bilang Direktor ng SWK ng ASCOT.