Friday, May 16, 2025

HappeningPH Wika! Pagsasanay sa Proyektong Diksiyonaryo at Korpus ng mga Wika ng Pilipinas ng KWF, Matagumpay!

HappeningPH Wika! Pagsasanay sa Proyektong Diksiyonaryo at Korpus ng mga Wika ng Pilipinas ng KWF, Matagumpay!

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Matagumpay ang ginawang pagsasanay sa proyektong Diksiyonaryo at Korpus ng mga Wika ng Pilipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pangunguna ni Dr. Sheilee B. Vega, Punò ng Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas (SLKP).

Binanggit ni Dr. Vega na “layunin ng pagsasanay na magkaroon ng kaalaman kundi man ay rebyu sa dati nang kaalaman at kasanayan sa pananaliksik tulad ng mga proseso sa paglikom ng datos, pag-oorganisa, pag-iimbak, metadata, at dokumentasyon. Gayundin hinggil sa data security at ethics lalo na para sa mga katutubong komunidad.”

“Kritikal ang maayos na data management upang manatili ang integridad at transparency ng isang saliksik pangwika at mahalaga ang mga prinsipyo at pamantayang moral na sinusunod habang ginagawa ang field work,” dagdag pa ni Dr. Vega.

Tinalakay ni Associate Professor Dr. Aldrin P. Lee ng Department of Linguistics, UP Diliman ang paksa hinggil sa Data/File management para sa corpus building at mungkahing onlayn database na maaaring paglagakan ng files na makatutulong para sa mga patuluyang proyekto sa paggawa ng diksiyonaryo ng SLKP.

Nagbahagi rin si Dr. Lee tungkol sa Field ethics at/o tools para sa pagpapaunlad ng gawaing pananaliksik sa katutubong wika na magiging gabay ng mga mananaliksik ng KWF sa kanilang patuloy na pananaliksik hinggil sa wika at kultura sa iba’t ibang panig ng bansa. Nagbahagi pa siya ng kaniyang karanasan hinggil sa mga isinakatuparan niyang pananaliksik kaugnay sa mga katutubong wika sa Pilipinas.

Tinalakay naman ni Associate Professor Dr. Mary Ann Bacolod ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman ang Introduksiyon sa Anotasyon ng Korpus kabilang ang mga Gawain ng Bilingguwal Lexicographer, Mga Uri ng Pagbibigay at Katuturan sa Bilingguwal ng Diksiyonaryo, at mga Paraan ng Paglalahad ng mga Lahok.

Ang Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas (SLKP) ay nakatalaga sa pangangalap, pagrerepaso, at pag-aaral sa mga literatura at kulturang nasusulat sa Filipino at iba pang wika sa rehiyon, bukod sa mga nasusulat sa Ingles at iba pang internasyonal na wika. Sisikapin din nitóng makabuo ng aklat, tsapbuk, teksbuk, at antolohiya ukol sa mga araling pangkultura kada taon, lalo’t ang mga komisyoner ay kumakatawan sa kani-kaniyang wikang maituturing na katutubo. Sa pamamagitan ng SLKP, inaasahang mahahatak ang mga Sentro ng Komisyon para mag-ambag sa layuning ito. Kasáma ang SPP, mangunguna ang SLKP sa pagtatayo ng “Aklatang Filipino”—ang koleksiyon ng lahat ng publikasyong nakasulat sa Filipino at ibang wika ng Pilipinas o hinggil sa kasaysayan at kultura ng bansa.