Wednesday, June 18, 2025

HappeningPH Poet in Focus! 3 Dekada, 12 Tula: Ang Kapanapanabik na Pagbabalik ni Magel Macaranas-Agaton sa KUNG KAILANGAN PA MULNG MAGPAKILALA

HappeningPH Poet in Focus! 3 Dekada, 12 Tula: Ang Kapanapanabik na Pagbabalik ni Magel Macaranas-Agaton sa KUNG KAILANGAN PA MULNG MAGPAKILALA

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Kung Kailangan Pa Muling Magpakilala

Magel Macaranas-Agaton

Alagwa: Quezon City, 2025

“Hindi lahat ng katahimikan ay kawalan.”

Sa loob ng higit tatlong dekada, tahimik na namuhay si Magel Macaranas-Agaton sa pagitan ng trabaho, tahanan, at tungkulin—ngunit sa mga pagitan ding iyon unti-unting nabuo ang kaniyang unang koleksyon.

Hindi sinadya ang panulaan; hindi ito planadong proyekto. Ngunit sa pagsasalin ng bigat sa balikat, sa mga alaala ng mga ugnayang pilit pinanindigan, at sa mga paggunita sa tila ordinaryong araw, napanday ang isang tinig na matagal nang handang muling marinig.

Hindi lamang isang koleksyon ng tula ang Kung Kailangan Pa Muling Magpakilala—ito’y pag-amin, pag-apaw, at paglalantad ng sarili: tahimik pero totoo, payak pero matapang, at ngayo’y handa na muling marinig at makilala.

Tatlong Dekada ng Pagbubuo

Bakit inabot ng ganoon katagal ang pagbuo ng koleksyon—saan natuon ang huling 30 taon?

Hindi ko naman sinadya na abutin ng mahigit tatlong dekada ang koleksyong ito.

Sa panahong iyon, mas naging prayoridad ang pananahimik, pagtatrabaho, paglimot, at paminsan-minsang pagsusulat ng paisa-isang linya. Sa tingin ko, masyado akong naging abala sa paghahanap ng trabaho, at sa mga responsibilidad sa bahay.

Medyo nag-enjoy nang magsimulang kumita, tapos nadagdagan ang aking pagiging abala biglang panganay na anak, tapos mas naging busy pa nang mag-asawa na, at nagpalaki ng mga anak.

Ang mga taon ay nauwi sa pagsasalin ng bigat sa sariling balikat gaya sa tulang “Masahe” na pasan ang pagod, at hindi agad handang ipaubaya sa kamay ng iba.

Paano ka inhanda ng huling tatlong dekada para sa puntong kailangan mo nang iluwal ang koleksyon? 

Lahat naman ng isinusulat ko ay sariling karanasan, medyo nilagyan na lang ng palabok. At yun ang binabalikan or inaalala ko—ito rin yung mga panahon na natutunan kong hindi lahat ay kailangang matapos agad.

At dahil medyo marami na ang mga naipon na kwento, damdamin, tanong, at sagot, mahirap kimkimin na lang. Alam mo ‘yung pakiramdam na umaapaw yung damdamin, na parang kailangan mo na talagang ibuhos kasi kung hindi, sasabog ka? Ganun yung pakiramdam.

Ang maganda though, may mga zines or chapbooks ngayon, at puwede na ring mag-self-publish.

Ang ganda kasi parang lahat ng ito sumakto, naging swak—timing, medium, damdamin— nagtagpo. Kaya pakiramdam ko, pwedeng magpakilala muli.

Kailan at paano mo naramdaman na panahon na para sa iyong unang libro?

Hahaha, grabe, zine pa lang. Kulang pa ang mga tula para sa matindihang libro.

Pero to answer the question, kailan ko naramdaman na panahon na—siguro dahil na rin sa “reconnection” sa kaibigan ko na makata, tapos, may mga nakilala rin na ilan pang mga makata. Mas naging regular ang kwentuhan at pakikinig sa kanila—aliw. Dahil sa kanila, I guess nahawa ako sa sigla (o tapang ba?) sa pagsusulat.

May Isa pa nga na nagbiro na kapag hindi ako nagsulat, huhukayin nya mga sinulat ko noong college pa ako, eh susme, ang korni ko nun.  At least ngayon, may edad na korni na. Hehehe.

Pero, seriously, naramdaman ko na maaaring maglabas ng koleksyon nang hindi ko na kailangan pilitin ang sarili. Doon sa mga tula gaya ng “Laruan,” unti-unti kong inilalabas ang mga bahagi ng sarili—na parang yung stacking dolls—nagkaroon ako ng lakas ng loob na muling magpakilala.

Kaya lang, syempre, marami pang kailangang i-improve, lalo na’t medyo nangangapa pa ulit ako. Kailangan i-workshop ang mga tula ko, at may taga-prompt. Tamad pa rin pala akong mag-isip lagi (hehehe).

Pagpapakilala sa Kung Kailangan Pa Muling Magpakilala

Sa yugtong ito ng iyong buhay, ano ang kahulugan ng “muling pagpapakilala”?

Yung “muling pagpapakilala” ko ay hindi lang pagpapakilala ko sa ibang tao, kundi pati sa sarili ko mismo.

Parang after all these years, natanong ko, “Sino na ba ako ngayon?” Kasi habang tumatanda, nagbabago rin ang mga pananaw, ang boses, damdamin, at mga bagay na pinapahalagahan.

Kaya itong koleksyon ng tula, parang paraan ko upang sabihing, “Heto na ako ngayon— hindi kasing ingay ng dati, pero mas totoo.”

Ang “muling pagpapakilala” ay pagkilalang muli sa sarili bilang manunulat, babae, at indibidwal, hindi sa anyong pormal, kundi sa anyong mas totoo, kahit may pag-aalinlangan.

Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Magel noon at Magel ngayon?

Sa pagkakatulad, sa tingin ko, ako pa rin yung malalim umibig, matapang, pero impatient at madaling uminit ang ulo na Magel.

Ang pagkakaiba naman, ngayon, mas kaya ko nang dalhin ang sarili at damdamin, hindi na maingay na matapang . . . mas tahimik na ang tapang.

May lalim na ang karanasan, kaya mas buo na rin ang boses na nagkukuwento. Dati, pag may naramdaman, sulat agad. Ngayon, may certain bagal, pero lumalabas pa rin ang pagiging pabaya dahil mas maraming nang iniisip sabay-sabay.

Pareho pa rin silang mapagmasid, ngunit ang bago: marunong nang bumitaw.

Anong tatlong bagay ang nais mong mabatid namin sa bagong Magel?

Una, handa na akong masaktan at marinig, at, PANGALAWA, hindi ako nagsusulat para magustuhan.

Ngunit, paalala nga ng isang malapit na kaibigan, “Hindi tayo nabubuhay para tumula, tumutula tayo dahil tayo ay may buhay, kaya ‘let it flow, wag pilitin,” sabi nga. Kaya iipunin lahat ng pagod, karanasan, kwento . . . aapaw din ito sa isa or ilang mga piyesa.

Pangatlo, hindi ito wakas kundi panimula, at kahit may alinlangan, mahalaga na nakapagsimula muli.

Sa Unang Hati, Maigting ang Tensyon

Anong pinakamatinding danas ang pinaghugutan ng tensyong ito sa pagitan ng “magkarelasyon”?

May pangamba na masira ang binuong relasyon, at ang mga senyales na maaaring gumuho ang natatanging mundo na kami lang ang may alam at may pagpapahalaga.

Ang tensyon ay nanggaling sa mga relasyong pilit pinanindigan kahit hindi malinaw, gaya ng sa “Kabunusan” o “Paglisan.” Doon ko nailatag ang sakit ng mga relasyong hindi tinanggap, o hindi nagtagal, at ang mga di-maibulalas na damdamin.

Paano mo ilalarawan sa tatlong salita ang persona sa unang bahagi ng koleksyon (bago ang tulang alay kay Teddy Griarte Espela)?

Mapagmuni, palabiro, tapat

Sa Ikalawang Hati, Mas Malaya ang Pag-Alaala

Ano ang papel ng alaala sa iyong pagtula?

Ang alaala ang reference ng pagsulat ko. Hindi ako laging makasabay sa kasalukuyan, pero sa bawat paggunita, natatagpuan ko ang sariling buo.

Anong klase ng alaala ang hindi mo hahayaang hindi maging tula?

Hindi ko hahayaang hindi maging tula ang mga sandaling parang walang halaga ngunit may bigat, tulad ng “Cafe by the Ruins” o ang “Emergency Room.” ‘Yun bang mga gunita ng takot, katahimikan, o pagkawala.

Piling-Piling mga Tula

Paano mo pinili ang mga tula na kasama sa koleksyon?

Matagal na magninilay, at pinabasa ko at pina-workshop ko. Syempre nakatay ng bongga, at maraming pinapalitan na mga tula.

Lahat ba ng tula sa libro ay bago at isinulat para sa koleksyon o pinili mula sa mga naisulat mo nitong huling 30 taon?

May ilan ay mga dating tula, tapos ni-revise ko nang ni-revise, hanggang sa hindi na makita ang anino ng unang tula, o tuluyan nang nagbago. Marami sa koleksyon ang bago.

Ano ang pinakamatinding hamon sa pamimili at pagsasaayos mo sa mga tula sa koleksyon?

Ang isa sa mga hamon ay ang pagsasaayos ng mga tula para may certain flow, or maaayos na daloy—mula sa tensyon, tungo sa pag-alaala, at tungo sa muling pagpapakilala.

Dagdag na hamon ang oras, dahil tulad ng karamihan sa atin, may araw-araw na trabaho, responsibilidad, at iba pang pinagkakaabalahan.

Sumisingit lang ng panahon para sa pagsusulat, pero minsan, makakalimutin na ako, kaya minsan nawawala yung salitang kanina lang ay nasa isip ko.

Paglaya ng Tinig, Pagkilalang Muli

Sa tatlong salita, ano ang kasipan, damdamin, at danas nais mong iwan sa mambabasa?

Gunita. Pag-iisa. Katotohanan.

Sa isang pangugusap, ano ang pagtula para sa iyo?

Ang pagtula ay paraan ng paghinga.

Paano nga ba ang pinakamabisang paraan para muling makilala ang isang tao?

Hayaan siyang magsalita sa sariling paraan—sa sariling pace o rhythm, sa sariling lengguahe.

Hayaan siyang magsalita nang walang pangunguna, walang paghuhusga, at may tunay na pakikinig.

 

Matapos ang tatlong dekada, narito na muli si Magel—isang premyadong makatang Lasalyano na matagal nating hindi narinig—muling nagpapakilala sa labindalawang piling-piling obra na nagsasabing: “Naririto pa ako.”

Ang Kung Kailangan Pa Muling Magpakilala ay hindi lang pagtataya ng isang makata sa sarili, kundi isang anyaya sa mambabasa na makinig sa tinig na ngayon na lamang ulit naririnig—dahil may mga tinig na kailangang muling iluwal, hindi dahil tapos na silang buuin, kundi dahil sa wakas, handa na silang magsimulang muli.

Malinaw ang pangako sa pagpapakilalang ito: Marami pang tula ang parating.