Thursday, May 8, 2025

HappeningPH Wika! Mula Day Care Hanggang Kinabukasan: Paano Binuhay ng mga Batang Ata ang Wikang Inata

HappeningPH Wika! Mula Day Care Hanggang Kinabukasan: Paano Binuhay ng mga Batang Ata ang Wikang Inata

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

𝟐𝟐 𝐀𝐛𝐫𝐢𝐥 𝟐𝟎𝟐𝟓

Ginanap ang Seremonya ng Pagtatapos ng unang batch ng programang Bahay-Wika sa wikang Inata para sa Taóng Panuruan 2024–2025 noong 22 Abril 2025 sa Sityo Manara, Barangay Celestino Villacin, Lungsod Cadiz, Negros Occidental.

Labing-isang batang Ata ang nagtapos sa naturang programa.

Ang programang Bahay-Wika sa wikang Inata ay naka-integrate sa Day Care ng Sityo Manara. Layunin ng programang ito na mabigyan ng exposure ang mga bata sa paggamit ng Inata sa loob ng Day Care upang matutuhan nila ang kanilang katutubong wikang hindi na nila natutuhan ang paggamit sa kanilang tahanan.

Pagkatapos ng seremonya, nagsagawa ng Focus Group Discussion kasama ang mga magulang, guro, at elder para sa ebalwasyon ng programang Bahay-Wika.

𝟐𝟑 𝐀𝐛𝐫𝐢𝐥 𝟐𝟎𝟐𝟓

Isinagawa naman ang workshop sa pagbuo ng mga planong pangwika ng komunidad.

Noong 2024, nagtakda ang komunidad ng mithiin para sa wikang Inata.

Naitarget nila na sa loob ng tatlong taón, mula 2024–2027 lahat ng magulang na Ata ay marunong nang magsalita ng Inata, at sa loob ng 10–15 taón, 2024–2039 nagagamit na ang Inata bilang wikang panturo sa paaralan sa kanilang komunidad.

Dinaluhan nina Indigeous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Reneboy Francisco, Chieftain Garry Consing, mga elder, magulang, guro, at kabataang lider ang isinagawang workshop.

Sa tulong ng KWF, nakabuo sila ng plano at kongkretong hakbang sa pagkamit ng kanilang mithiin.

𝟐𝟒 𝐀𝐛𝐫𝐢𝐥 𝟐𝟎𝟐𝟓

Nagsagawa ng workshop upang maisapinal ang binubuong aklat ng Inata na naglalaman ng mga pangunahing salitang ginagamit sa pagtuturo at sa araw-araw, mga diyalogo, tula, at kuwento. Gagamitin ang aklat na pantulong sa pagtuturo ng Inata.