Ang Parabula ng Dilang Mabulaklak
Mahusay na bokadura ang solusyon
Sa masamang balita:
“Tulong sa tsuper ang umento sa pasahe,”
Sabi ng mga di sumasabit sa bus o dyip—
“Mas maganda sa katawan ang magbisikleta.”
“Salamat at gumagana ang MRT, may libreng
Sakay pa, at may lakas pang maglakad!”
Magandang content ang biyahe sa blog.
“Ayuda sa sa magsasaka ang mahal na bigas,”
Sabi ng mga namamakyaw ng palayan—
“Mas mahusay sa kalusugan ang mag-diyeta.”
“Salamat at ang bawas sa pagkain, dagdag
Pang-shopping, at mainam sa mental health.”
Pang-Instagram din ang pagliliwaliw.
Pangangailangan ang humagilap ng dahilan,
Gaya ng binhi ng Cymothoa exigua sa karagatan:
Walang masamang tubig-dagat sa hasang,
Hangin ang hangin at kailangang mabuhay—
“Okay lang magtaas ng pamasahe, lahat tayo’y hirap.”
“Okay lang tumaas ang bilihin, doble kayod na lang.”
Gaya ng binhi na sa hasang namahay, gagapang
Ang pagtitiis sa puno ng dila, at doon sususo
Hanggang sa pagtanda: Magpapataba sa dugo
Ng dusang naging grasya, hirap na ginhawa:
“Ang mga nasa poder, hatid-sundo ng drayber”
—“Balang araw, makakaipon din ng pambili ng sasakyan!”
“Ang mga developer, may pa-raffle na bahay.”
—“Balang araw, makakalipad din at kikita ng dolyar at magpupundar!”
Matutuyot ang pangarap gaya ng dilang naluoy,
“Walang kakirot-kirot, parang walang nangyari”
Sasalisi ang magulang na C. exigua sa sugat na natuyo,
“Walang kamalay-malay ang isda, parang walang nagbago”:
Hindi pumakla ang panlasa
—“Mapait pa rin ang kapalaran, pero kaya pa.”
Hindi sumangsang ang hininga
—“Mumog ng kaunti, lagok ng tubig, solb na.”
Hindi nalihis ang hilig
—“Yukod lang, ang nasa poder ang may alam.”
Hindi lumansa ang bibig
—“Magdildil man, basta parehas at marangal.”
Ni hindi nga nagpalit ng wikang banyaga
—“Marinig man, kailan pa magbabago?”
Dahil simula’t simula pa lamang
Kinain na ng dahilan ang dila:
Putulin man ito, walang silbi—
Bula lang din ang salita
Bulaklak pa rin ang diwa
![Cymothoa exigua from Smithsonian.com](https://happeningph.com/wp-content/uploads/2022/11/Smitsonian.com-Cymothoa-exigua.jpg)
Ang Parabula ng Balatkayong Ganda
Minsan
Dinadahas tayo ng pinakamagaganda
Pinapaslang ng pinakanakaaaliw
Binubulok ng pinakaaasam-asam
Ang hitsura ng pinaslang, lagim ng pagpaslang, yaman ng maysala
—“Sayang ang bata pa naman, ang pag-asa ng pamilya.”
Ang paglaya ng masalapi, bigat ng kaso, pagbagal ng hustisya sa walang-wala
—“Salapi ang susi sa lipunan, pera ang katapat ng lahat.”
Ang pagdali ng pagyaman, laki ng isinugal, buhay na isinangkalang
—“Tiis-ganda, kaya pag-iipunan ko ang papa-enhance.”
Lahat pinalilinaw ng HD, pinalalaking pelikula ng flatscreen, pinasasabik
Ang pandama
Dahil madalas
Mas malalim ang timo sa isip ng nakikita
—“Kung kaya nilang kumita sa likes, kakarerin ko rin na mag-viral.”
Mas matalab ang halina sa nakamamangha
—“Kung kayang lakdawan ang paghihirap, aaralin ko’ng talunin ang pag-asa.”
Ang aral ng Tiktok, ang dunong ng YouTube
Ang taktika ng mobile games, ang talas ng Twitter
Nakasaklob sa ating tila mga dambuhalang gagamba
Bawat kakayahang teknikal at persona sa social media
Ay galamay na rayos ng ningning, lakas, sustansya, at potensyal
“Kaya kong gumiling at umawit, kaya kong mag-DIY,
Kaya kong hindi matulog sa paglalaro, makipagpatayan,
Makipagbardagulan nang walang hinto, nang walang mawawala.”
Hindi alintanang ang pinakamatatabang galamay
Ay may katapat na lason—
Ang kagat ng buntis na tarantula hawk wasp:
Naghahanap ang ina ng protina para sa kanyang mga supling—
At ang gagambang nahirati sa kaniyang laki at giting ang pinakamagandang pagkain,
Isang turok lamang at paralisado na ang dambuhala—
Buhay ngunit gising, patay ngunit tumitibok ang puso,
Punung-puno ng sariwang sustansya para sa gutom ng isisilang na mga insekto—
Na, gaya ng Internet at social media, ay pulutong
na kumakain sa atin ng buhay:
Paunti-unti
Hanggang
Balat na lamang ang maiwan
Hugis na lamang ang matira
Magandang-maganda
Buong-buo
Sa labas
![Tarantula Hawk Wasp](https://happeningph.com/wp-content/uploads/2022/11/BryanWAlaspa.com-Tarantula-Hawk-Wasp.webp)
Ang Parabula ng Dambuhalang Gutom
Sino ba ang hindi sabik
Malaman ang lahat
Na maaaring malaman
Matutunan ang lahat
Na maaaring matutunan
Maangkin ang lahat
Na maaaring maangkin?
Ngunit para saan?
“Gusto kong maging doktor para magamot ang mga maysakit—
Madugtugnan ang buhay!”
“Gusto kong maging abogado para maipagtanggol ang mga naaapi—
Mapawalang-sala ang inosente!”
“Gusto kong maging inhenyero para makahawan ng daan—
Matayuan ng gusali ang ilang!”
“Gusto kong maging negosyante para magbigay ng mga trabaho—
Mabigyan ng hanapbuhay ang mga pamilya!”
“Gusto kong maging presidente para paunlarin ang bansa—
Para itaas ang antas ng pamumuhay ng madla!”
Gaya ng batang Atlas Moth—pasan niya ang mundo
Bilang higad, taglay niya ang gutom ng mga diyos
Tatlong buwan siyang kakain at kakain
Kakain gaya ng pagkagutom sa sustansya at lakas, sa simula,
Pagkatapos ay sa kaalaman at karanasan,
Kinalauna’y sa yaman at kapangyarihang
Walang kabusugan
Maliban sa higad na alam ang hangganan
Ng kaniyang pagsibasib sa dahon—bibig lamang at katawan
Walang higit o malalim na dahilan: buhay!
Dalisay gaya ng kalikasan ng kalikasan
Bago ang pagkakasala, bago ang dambuhalang baha
Babalutin nito ang sarili sa dilim ng kokun
Para maghanda sa pagbabagong-anyo
Dadalisayin ang sarili sa pagbukadkad ng pakpak
Isang higanteng sarikulay na pagaspas
Para basbasan at samyuin ang mundo
Ng isa o dalawang linggo lamang
Dahil ang kapalit ng ganda nito:
Wala itong bibig para kumain muli—
Ang pagpapakabusog nito ay sakripisyo’t paghahanda:
Isigaw man ng puso nitong munti:
“Gusto ko ng pandaigdigang kapayapaan—
Puksain ang gutom, burahin ang kahirapan!”
Hanggang alingawngaw na lamang ang hiling
Sa dugo nitong dinalisay ng iglap na buhay
Samantalang sa paslit na natutong
Isakatuparan ang hiling
Umaalingawngaw sa tayngang nagpapanting:
“Operahan na po muna nila ang asawa ko—
Pangako, magbabayad po ako, parang awa niyo na!”
“Wala pong kasalan ang anak ko—
Bakit kailangang niyang mamatay agad-agad!”
“Ilang dekada na po kaming humihiling ng tulay—
Tulungan po ninyo ang aming barangay!”
“Ma-regular na po sana kami ngayong taon—
Pataas an nang pataas ang bilihin!”
At ang presidente ng bansa?
Bumubulong ang Mariposa:
“Dalawang linggo lang ang ipinagkaloob sa akin
At nagawa ko na ang lahat ng tagubilin.”
The Atlas Moth is one of the largest lepidopterans, with a wingspan measuring up to 24 cm (9.4 in)[1] and a wing surface area of about 160 cm2 (≈25 in2).[2] (Wikipedia)
Lahok para sa Saranggola Blog Awards 2022
#SaranggolaBlogAwards12 #SBA12 #SaranggolaBlogAwards2022 #HappeningPH #Tula #Parabula #NaturalHistory #AtlasMoth #HerculesMoth #TarantulaHawkWasp #TarantulaHawk #TongueEatingLouse #Parables