Thursday, December 11, 2025

Pista ni San Roque

Pista ni San Roque

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry
CTTO

Magandang Balita

Hindi ko malilimutan ang umagang iyon sa Pavilion ng San Lazaro.

Nagising ako sa amoy ng klorox. Para itong mantikilyang ipinatid sa mainit na pandesal ng amoy ng gamot, sakit, at pagkamatay. Halos araw-araw, may dumadaang stretcher na may nakatalukbong na kumot. Isa na namang kosa ang namaalam, hindi na naantay ang pagdalaw ng mga mahal sa buhay. Kung mayroon pa mang inaantay.

Napaantanda na lamang ako, sabay buntong-hininga at hawak nang mahigpit sa kamay ni Angel. Mapalad pa rin kaming umabot sa ganitong edad sa kabila ng kawalan. Kapos, pero magkasama.

Katabi ko siya ngayon. Kaninang hatinggabi, namaalam na ang ka-share niya sa kama. Ginising ako ng gulong ng stretcher sa pasilyo kung saan ako nahihimbing at lumipat sa ilalim ng kama ni Angel, hanggang sa katabi naman niya ang kinuha ni Lord.

Naputol ang malalim kong paghinga nang may naghanap kay Angel. Isang lalaking may hawak na clipboard at fresh—halatang kumpleto ang tulog at hindi nurse o staff ng ospital.

“Patient Angel?” ulit nito sa kwartong puno ng pasyente at bantay. Lahat ng gising ay tumuro sa amin.

“Ako po ang bantay. Bakit po?” tanong ko.

Ngumiti siya. “Ako si Robert. Social worker. Asikasuhin mo na ang clearance ni Angel. Pagkatapos ay makakapag-ayos na kayo ng mga gamit at ihahatid ko kayo sa Center.”

Kumabog ang dibdib ko sa pagkabigla. Bihira sa silid na ito ang nakalalabas nang buhay—ng may tahanang uuwian, ng may tiyak na patutunguhan. Sa Pavilion na ito, mas sanay ang mga pasyenteng marinig na: “Antay lang po muna tayo sa pamilya po nila” o “Pasensya na po, pero hindi ka pa po pwedeng umuwi.”

Kung kailan, walang makapagsasabi. May isa ngang pasyente na gumaling na’t lahat ay walang sumundo. Ngayon ay orderly na si Diana ng Pavilion. Biniyayaan ng pangalawang buhay at ngayong nagsisilbi sa mga bagong pasyente.

“Pagkagising po ni Angel at makainom ng gamot, pwede na po sila gumayak,” dagdag ni Robert. “Aantayin ko kayo sa lobby.”

Nakahinga ako ng maluwag.

Patron ng mga Maysakit at Dukha

Matagal-tagal na rin kami ni Angel sa ospital. Sa paglipas ng mga buwan, natutunan kong maglakad sa mga pasilyo na parang dito na ako nakatira—dahil dito nga ako tumira simula nang ma-confine si Angel.

Sanay na akong matulog sa karton sa pasilyo o sa ilalim ng hospital bed. Paggising ng madaling araw, awtomatikong bibili ng pagkain—Skyflakes, itlog, pansit, at cup noodles—para sa maghapon ni Angel. Bibili rin ako ng ilang piraso ng gamot ni Angel, kung anong makakaya ng laman ng bulsa, at saka tissue paper at bulak na iaabot sa nurse bilang donasyon. Saka pa lamang ako papasok sa trabaho. Oo, isang kahig-isang tuka man at walang sariling tahanan ay taas noo pa rin akong pumapasok sa opisina.

Mas kumportable di hamak ang pula’t nilampasong baldosa ng San Lazaro kaysa sa mabato at maugat na lupa sa Cultural. Mas malamig ang semento, pero walang hamog gaya sa lansangan.

Nang unang dalhin si Angel dito, hindi ko inisip na tatagal kami. Akala ko, tuturukan lamang siya ng antibiotic at kakabitan ng suwero, parang sa emergency room lang. Pero hindi pala iyon ganoon kasimple. Mula sa ER ay sinugod siya sa Isolation Room at doon nanatili nang ilang araw bago pinayagang ilipat sa Pavilion. Hindi na siya pinalabas.

Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat. Ang alam ko, bigla na lamang siyang nangangayayat at nanghina. Hanggang naabutan ko na lamang siyang tila isang fire hydrant na naiwang bukas sa gitna na island sa harap ng Trader’s Hotel. Pero hindi tubig ang bumubulwak.

Dugo.

Himal ana may nagsakay sa aming taxi para dumaan sa Ospital ng Maynila, pero dahil hindi sila tumatanggap ng ganung kaso, pinadiretso kami ng San Lazaro. Blessing na umabot kami doon nang buhay.

Buhay at may pag-asa dahil nandoon ako para panagutan kung ano mang naipangako ko sa kaniyang pamilya: kina Mama at Papa, sa kaniyang mga kapatid at pamangkin, mga paryentes sa Baybay.

Marami sa mga kapwa pasyente ni Angel ay wala nang pamilya, o tinakasan o pinagtaguan na dahil nakakapagod at napakagastos mag-alaga ng maysakit, lalo na kung habambuhay ang gamutan. Higit pa kung hikahos din ang pamilya at hindi rin kalinisan ang lugar na uuwian.

Si Diana nga, si “Bading” para sa mga pasyente, na bagaman ay ngongo ay nakaligtas sa nakamamamatay na sakit, lumakas, at nagbalik ang pagiging masayahin ay nabiyayaan pang maging orderly at janitor ng Pavilion.

Alam niya sa sarili niyang may silbi siya. Silbing mawawala o mababale-wala kung babalik siya sa lansangan o ipipilit ang sarili sa kamag-anakang ayaw na rin naman sa kanya. Dito sa kapwa nag-aagaw-buhay, mas may silbi siya at nagbibigay ng araw-araw na aliw at pag-asa sa mga nakalimutan na.

Gaya nga San Lazaro, nabuhay na muli pagkatapos ng ilang araw si Diana. “Sana si Angel din.”

Patikim ng Sahod sa mga Di Matatanggap sa Trabaho

Bitbit ang itim na backpack na laging kong dala—puno ng mga damit, kumot, gamot, at kung ano-anong personal na abubot na may dalang mabuting kapalaran—ibiniyahe kami ni Roger patungong Pasay. Nag-dyip at traysikel lamang kami dahil hindi pa kaya ni Angel na umakyat ng LRT.

Sa dulo ng Gamban Extension kami nakarating: isang malawak na dalawang palapag na antigong bahay na semento at kahoy. Akala ko ay ginigiba, pero niri-renovate pala at pinatatayuan ng bagong gusali. Nakahinga ako nang maluwag, napawi ang pangamba, at nawala lahat ng pagod.

Narating naming ang Center for Community Transformation nang walang inaasahan o kaalam-alam.

Dito sa compound na ito pinagkasya ang dalawang dosenang buhay, baka nga higit pa. Marami kaming dinatnan na pamilyar na mukha, mga galing sa CCP, Luneta, at Roxas Boulevard.

Sa paligid ng American Era na bahay ay may pahabang balangkas ng itinatayong gusali, singhaba ng bakurang hollow blocks. Dalawang palapag ito na pinatungan ng mga plywood na umiingit at lumulundo sa pag-akyat at lakad namin. Dito kami matutulog.

Ang mga nauna sa amin doon ang nagtayo ng balangkas na ito: mga taong walang bahay, walang pamilya, walang pinag-aralan, bagong laya, o may karamdaman o kapansanan. Madalas lahat ng ito, gaya namin ni Angel.

Hindi talaga ito permenenteng tirahan kundi halfway house, isang barkong nakadaong sa gitna ng construction site, na nag-aantay na makababa lahat ng sakay at makabalik sa kani-kanilang pamilya. Gaya ni Mang Luis, higit sesenta anyos, maari ring mas bata pa at pinatanda lamang ng kahirapan at pagkakapiit na walang dumadalaw, isang bagong laya na nakalaya nang wala ni minsang dumalaw o sumundo.

“Tiwala ako sayo, To,” ani Mang Luis sa akin, nabanggit kasi ni Angel na pumapasok ako sa opisina at araw-araw nakakalabas. Ako lamang sa mga residente ng Center ang pinapayagang lumabas-masok ng compund.

“Pakitawagan naman ang asawa ko. Pakisabi na andito tayo ngayon sa Pasay.” Pakiusap ni Mang Luis habang binubunot sa lumang pitakang katad ang maliit na piraso ng papel na pitpit sa pagkakatupi. “Nariyan ang telepono ng misis ko,” sabay tapik sa balikat.

Ngunit wala nang sumasagot sa kabilang linya at hindi ko alam kung paano sasabihin kay Mang Luis ang katotohanan.

Napapaligiran kami ng hollow blocks, buhangin, at semento na araw-araw pinapala, hinahalo, binubuno, at pinagpapatung-patong ng kalalakihan para maitayo ang bagong gusali. Habang nagko-construction sila, nagluluto naman at naglalaba ang kababaihan. Si Angel, kung hindi nakaupo sa aming metro kuwadrado ng plywood, ay nasa ibaba at tumutulong sa kababaihan: nagpapaypaw para pagdingasin ng uling, nagbabantay ng mga sanggol, o bumabangka ng kuwento. Hindi pa niya kayang magbuhat o kumilos. Kung tutuusin, makamamatay sa kaniya ang makalanghap ng semento, lalo na’t kalalabas lang ng San Lazaro.

Lahat kaming pansamantalang residente ay hati-hati sa nag-iisang bentilador, kaya nung sumunod kong sahod ay bumili agad ako ng isang maliit na industrial fan para di kami lamukin sa gabi at para ilihis ang buga ng alikabok at buhangin sa araw.

Dito sa sandaling pananatili naming dito ako kinapitan ng sakit sa balat. Napakahapdi nito, ngunit wala naman akong magagawa kundi ang kumayod araw-araw. Pumapasok ako sa isang 16-seater call center na itinayo ng mga kaibigan sa kolehiyo noong panahong hindi pa uso ang call center sa Pilipinas. Ngunit hindi maaasahan sa regular na pagbabayad ang mga Indiyano sa India, di katulad ng mga nag-iikot na Bombay dito sa Pinas na walang-pagod maningil araw-araw sa mga palengke at komunidad ng Maynila.

Wala pang ala-sais ay nagsisipag-almusal na ang lahat sa katabing karinderia. Sa labas lamang ng gate naroon kami lahat para magpalista ng silog, sopas, at kape. Halos pare-pareho kami ng kinakain gawa ng iyon lang ang makakayanan ng sasahurin sa katapusan ng linggo. Alas siyete ay simula na ang paggawa, tanghalian ng alas-dose, at trabaho na ulit hanggang ala-singko. May breaktime naman para makaidlip o magpahangin. Mapalad ang may mga lakas pa at gusto mag-overtime. May dagdag silang kikitain para ipambili ng serbesa at magpakalango.

Tuwing Linggo, araw ng sahod, nawawala ang hiya at takot at pagtitimpi ng mga kalalakihan, nabubuksan lahat ng mga sugat sa dibdib. Nararamdaman ang buhay pag lasing, lumuluwag ang dibdib at tumatakbo ang utak para muling masaktan at makaalala. Silang mga iniwan ng asawa at pamilya, itinakwil ng anak, tinanggihan ng mundo. Walang babalikan sa labas kundi ang parehong lansangangn kinsadlakan at nagbuyo para mabilibid. Doon ulit sila babagsak pagkatapos ng proyektong ito.

Dito sa mga Linggong, wala pang tanghali, nagwala bigla si Mang Luis, na bagamat matangkad ay may edad na’t mahina na ang dibdib at kamao, lalo na’t kung walang sapi ng alak. Hinamon niya si Negro ng suntukan, na sa ispiritu ng paglalabas ng init ay pinatulan naman si Mang Luis na panay ang left at right hook sa hangin, pero dahil lango at gumigewang ay walang maikabit na suntok. Isang bigwas ni Negro ay tumba agad si Mang Luis.

Saka sila inawat nina Kuya Jun, ang project engineer. Darating daw si Madame, si Ma’am Ruth, ang president at founder ng CCT. Isang dalubhasa sa ekonomiya at social justice. Bibisita ang board at mga donors para sipatin ang konstruksyon at ang mga benepisyaryo. Kami.

Nagsipagligo ang lahat at nagpalit ng malinis na damit.

Paglisan, Pagdating, Pag-Alis

Ilang linggo matapos ang pagbisita ng board ay bumalik si Roger.

“Ihahatid ko na kayo sa kapatid ni Angel sa Pangasinan. Mas makabubuti sa kanya doon, sariwa ang hanging at masustansya ang pagkain. Mas makatutulong iyon sa kaniyang tuluyang paggaling.”

Nagkatinginan kami ni Angel. Hindi ako nagsalita agad.

“Ihahatid ko kayo sa Five Star, may tiket na kayo doon.”

Magkahalong inggit, tuwa, at non-chalance ang balitang ito para sa mga kasama naming sa Center. Hindi lahat may mauuwiang kapatid o kamag-anak; hindi lahat may malinaw na direksyong maaasahan mula sa DSWD.

Sinuot ko ang lumang Timberland ko, yung bumaklas na ang swelas pero solid pa rin sa ilalim, at muling pinagkasya lahat ng gamit sa aking itim na backpack. Inakay ko si Angel samantalang bala-balanse ang mahigit sampung kilong bigat sa aking balikat at likod.

Habang nararamdaman ko ang bigat na ito, dama ko ang pananagutan ko sa aking kasama.

“Natatakot ako,” bulong ni Angel habang sakay kami ng traysikel papuntang Five Star.

“Kaya mo yan, ‘Dy,” sagot ko. “Mas makapagpapalakas ka kina Ate.”

Parang iglap na dumaan ang biyahe mula Pasay hanggang Malasiqui. Dahil siguro tulog kami buong biyahe dahil sa nakapapanatag na lamig ng erkon sa bus. Napakagaan at napakaginhawa sa pakiramdam ng lamig at banayad nag pag-andar ng bus na humele sa aming pagal at maysakit na mga katawan. Hindi naming namalayan ang layo, o ang gutom.

Pagdating sa Pangasinan, sinalubong kami ng samyo ng mga puno at ng lupa. Ibang-iba ang amoy ng lupa sa semento, ang init ng Maynia sa init ng probinsya: init na hindi marahas sa pagpadong sa lunti ng mga dahon at pagbitak sa lupa.

Matapos ang mahaba-habang lakarin, dahan-dahan, padausdos at paahon ng mga maputik o bitak-bitak, mabato o maputik, masukal o nawahang mga daan, ay narating naming ang bahay ng kapatid ni Angel.

Maliit lamang itong kubo, gawa sa pawid, may papag sa loob, lutuang-uling sa gilid, at matayog at mayabong nap uno ng sampalok sa tapat na may duyan.

Doon naupo at nagduyan si Angel pagdating na pagdating, habang habol-habol ang hininga. Doon, kapwa lumuwag ang aming mga dibdib.

Isang weekend kong sinamahan si Angel sa kaniyang Ate, asawa nito, at mga batang pamangking bihasa na sa pagtatanim at pag-aani ng kanilang taniman ng monggo. Sinamahang magduyan sa ilalim ng punong sampalok, marahang dinuduyan o binabantayan habang nakahiga ako sa papag, inaaninag ang kislap ng araw na kung wala ang makapal na pulumpon ng mga dahon ng puno ay nakasisilaw at nakabubulag.

Tumayo ako’t tumabi sa kanya sa duyan. Hinawakan ko ang kaniyang kamay, “Kailangan ko nang bumalik ng Maynila para makapag-trabaho.”

“Natatakot ako. Sasam ana ako pabalik,” ungot niya.

“Dito ka na muna hanggang lumakas ka. Magpagaling at bumalik ang dating katawan,” inakap ko sya ng mahigpit. Di ako—di kami—sanay na magkalayo. Sa hirap at ginhawa.

“Bibisitahin kita rito kada sweldo. Kahit kada linggo pa,” inakap ko sya nang mahigpit, tumutulo na ang aking luha. Malalim ang hugot ng paghinga.

“Kailangan kong makapagtrabaho. Para sa atin ito.”

Binura ko na sa alaala kung anong hagulgol o pagpupuyos ng damdamin ang bitbit ko pabalik ng Maynila nang ihatid ako nina Janjan at Makmak sa antayan ng bus. Kung hindi ay baka di ko kinayang umalis.

Ang naalala ko ay iniwan ko lahat halos ng laman ng aking backpack at lumisan nang magaan ang pasanin.

Pero hindi ang damdamin.

CTTO

Ang Pista ni San Roque

Hindi ko alam kung gumaling ba si Angel dahil sa hangin, pagkain, o pamilya. Baka dahil sa lahat. O baka dahil may nagbigay sa kanya ng pagkakataong mabuhay muli.

Pero malinaw sa akin ang isang katotohanan: Napakahalaga ng mahusay na sistemang pangkalusagan ng gobyerno para sa mga mamamayang nasa laylayan ng laylayan ng lipunan na nangangailangan ng agarang tulong medical at sosyal dahil wala na o itinakwil na ng mga pamilya—hindi dahil kami ay kaso o statistics, kundi dahil tao kami na may karapatang mabuhay, at taong may taglay na kapasidad para gumawa at maging produktibo kung mabibigyan ng pagkakataon: gaya ni Diana na gumaling sa nakamamatay na sakit at naging orderly at maintenance sa San Lazaro o ni Mang Luis na iniwan ng pamilya ngunit may lakas pa naman mag-construction o matuto ng kakayahang makukunan ng kabuhayan.

Sa kabila nito, ang nakapagliligtas talaga ay hindi ang mga mga pondo o programang sa halip na naghahanap ng matutulungan ay nag-aantay ng lalapit, kundi ang kamay na handang humawak, ang balikat na handang sandalan, ang puso na hindi sumusuko.

Wala akong bubuhating bangko dahil malayo sa ideyal ang naging buhay at pakikipagsapalaran ko: Hindi ako bayani at hindi rin ako santo. Pero inilaan ko ang malaking bahagi ng buhay ko para kay Angel.

Ginawa ang lahat para mabigyang buhay at pag-asa ang isa pang katuwang na buhay.

Ang totoo, hindi ko pa noon kilala si San Roque—patron ng mga may sakit, palaboy, at nawawala—pero naipasa niya sa amin ang pananampalataya at pag-asa niya. Kung may santo para sa mga nakakalimutan ng lipunan, yaong nasa laylayan ng laylayan, siya na siguro iyon.

Si Angel, na ni minsan ay hindi umiyak o nagreklamo sa lahat ng sakit na kanyang binata o dinanas, pinangingiliran ng luha.

“Bakit?” tanong ko.

Inakap niya lang ako nang mahigpit na mahigpit.

At doon ko unang naramdaman ang bigat ng pananagutan. Hindi lang ng gobyerno. Hindi lang ng health system. Kung ng pinakamaliit at pinakamatibay na anyo ng pag-asa: buddy, matalik na kaibigan, asawa.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2025