Si Boogie ang baby ni Joonie—hindi bunso, at hindi rin panganay; hindi anak, at hindi rin kapatid. Siya ang Baby Boss ng munting parisukat na silid.
Doon, wala na siyang mahihiling pa. May sarili siyang kutson, pati tiyan ni Joonie. Lahat ng espasyo ay kanya, pati ulo ni Joonie. Lahat ng sulok ay kanya rin. Kung saan siya sumalampak ay siya ang hari. Ang pinakamataas na kaniyang kaya akyatin ay kaniyang trono; lahat ng matanaw niya ay kaniya pa rin.
Wala na siyang hahanapin pa, kung di lamang pag-uwi ni Joonie galing trabaho, ay may tatlong bawal na kailangan niyang sundin.
Bawal #1: Bawal Lumabas
“Boogie, bawal lumabas.”
Pagbukas na pagbukas ng silid, tatalon si Boogie palabas sa kusina ng kapitbahay—para magwisik ng balahibo sa lababo, sumilip sa ulam sa lutuan, at amuyin ang estante ng pinggan. Ngunit kailangan na niyang bumalik.
“Dudumi ang paa mo, mahahawa ka ng sakit, at baka mapalo ka pa ng ale,” paalala ni Joonie.
“Alam ko po, saglit lamang,” sagot ni Boogie, sabay talon pabalik. Alam niyang mahal siya ni Joonie kaya iniingatan siya nito.
Bawal #2: Bawal Makulit
“Boogie, bawal ang makulit.”
Sabik na sabik si Boogie kay Joonie na maghapong wala. Ngunit hindi pa man siya nakakasampa sa balikat ni Joonie para dilaan ang pisngi nito, nakakasampung miyaw, o nakakahagod ng katawan, kailangan na muna niyang tumabi.
“Tabi muna at nang makapagwalis, kundi’y kakalat ang alikabok; huwag paharang-harang nang makapaglampaso; huwag munang tatalon-talon nang makapaghanda ng pagkain.”
“Alam ko po, na-miss po kasi kita,” sagot ni Boogie, sabay iwas sa mga binti at lukso palayo sa nililinis na sahig. Ayaw niyang siya’y matapakan o masipa sa daan.
Bawal #3: Bawal Tumalon Kapag Bagong Kain
“Boogie, bawal tumalon kapag bagong kain.”
Handang-handa na si Boogie makipaglaro. Ngunit hindi pa man siya nakakabuwelo para makipaghabulan, nakakailang-kalmot sa carpet, o naihuhulog ang mga gamit, kailangan na niyang magtimpi.
“Uminom muna’t magpahinga nang hindi magsuka, magpirmis muna sa tabi nang hindi sumakit ang tiyan, magpalipas muna ng kabusugan.”
“Alam ko po, pero baka makatulog ka na po kasi,” sagot ni Boogie, sabay tahimik na sulyap sa dingding, pindot sa keyboard ng laptop, at salampak sa cellphone. Kailangan muna niyang tunawin ang pagkain.
Ang Pananagutan
Kaya kahit di siya sanay na hindi naggagala, di sanay na walang kalaro, at di sanay na hindi nag-eehersisyo, tahimik at busog niyang tinabihan si Joonie sa kutson, sabay akap dito ng mabalahibo niyang braso.
“Boogie, ito ang pinakamahalagang tatandaan mo,” sabay titig ni Joonie sa kulay aranyang mata ni Boogie. “Bawal kang mawala,” sabay haplos sa ulo, baba, pisngi, at likod ng pinakamahalagang baby sa kaniyang munting kaharian.
“Andito lang po ako,” sabay dikit ng malamig na ilong sa ilong ni Joonie at idinikit pang lalo ang makulay na balahibo.
Alam nilang dalawa: Ang mga bawal na ito ay sa kapakanan nilang dalawa. Dahil maliit man o malaki, pananagutan ng bawat isa ang kapwa nila.
Sabay halik ni Joonie sa ulo ni Boogie, bago ito tuluyong mahimbing. At pagpikit ni Joonie, alam na ni Boogie na puwede na uli niya gawin lahat ng gusto niya: basta sa loob lang ng bahay, basta di maingay at magulo, at basta nakapahinga na ang Baby Boss ng puso ni Joonie.
Lahok sa Saranggola Blog Awards 2025




